Search
Close this search box.

Nagkakaisa ng puso at layunin
ang bayan ng Diyos

Ang pagkakaisa ay buong giting na itinataguyod ng Iglesia Ni Cristo hindi lamang bilang isang simulaing pang-organisasyon, kundi bilang pagtupad sa aral ng Biblia.

Ni DENNIS C. LOVENDINO

MAGKAKAIBA-IBA MAN ng opinyon ang mga tao tungkol sa Iglesia Ni Cristo, subalit tiyak na marami ang sasang-ayon at magpapatotoo na nagkakaisa at nagkakalakip ang mga kaanib nito. Ang katangiang ito ay hayag na hayag sa pagtupad nila ng kanilang mga pananagutang espirituwal, na nakatawag ng pansin sa mga nagmamasid ukol sa relihiyon.

Ang pagkakaisa ay buong giting na itinataguyod ng Iglesia Ni Cristo hindi lamang bilang isang simulaing pang-organisasyon, kundi bilang pagtupad sa aral ng Biblia. Inihalintulad ni Apostol Pablo ang tunay na Iglesia sa “iisang katawan” na ang Ulo ay ang Panginoong Jesuscristo mismo (Col. 1:18; Rom. 12:4–5). Sa “iisang katawan” na ito—ayon pa sa apostol—ay may “isang Espiritu,” “isang pag-asa,” “isang pananampalataya,” at “isang bautismo” (Efe. 4:4–5).

Bagama’t maging ang ibang organisasyon ay nagsisikap at maaaring nagagawa ring magkaisa sa ilang aspeto, ang kaibahan at kabanalan ng kaisahan sa katawan ni Cristo ay lalong binigyang-linaw ng Panginoon nang Siya ay dumalangin patungkol dito:

Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo … Ako’y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila’y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila’y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo.” (Juan 17:21, 23, idinagdag ang pagdiriin)

Samakatuwid, sa kaisahang ito ay hindi lamang ang mga kaanib ang nagkakaisa, kundi kasama nila maging ang Panginoong Diyos at ang Panginoong Jesucristo.

Ang mga tala ng kasaysayan ng Iglesia noong unang siglo ay nagpapatotoo kung paano buong katapatang itinaguyod ng mga kaanib ang kaisahan. Itinala ng ebanghelistang si Lucas na “nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat” (Gawa 4:32 Magandang Balita Biblia).

Dumating din ang panahong “may pagkakaisa silang nagtitipon sa Templo araw-araw, at magkakasamang kumakain sa kanilang mga tahanan, at nagsasalu-salo nang may galak at pasasalamat” (Gawa 2:46 Salita ng Buhay). Nagawang maitaguyod ng mga unang Cristiano ang gayong mataas na antas ng pagkakaisa dahil lubos silang nagpasakop sa mga apostol at matatanda sa Iglesia, at tinupad ang lahat ng tagubiling ipinasiya nila (Gawa 16:4 Biblia ng Sambayanang Pilipino; Gawa 15:1–2, 12, 19; I Juan 1:3). Bunga nito, sila ay “lumakas sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw” (Gawa 16:5 Ang Bagong Ang Biblia).

“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo.”

Juan 17:21


Ang isinasagawang kaisahan ng Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw na ito, kung gayon, ay hindi isang bagong bagay; ito ay isang pangunahing aral-Cristiano na ipinatupad mula pa sa panahon ni Cristo sa lupa at ng Kaniyang mga apostol. Ang totoo’y nauna nang ipinahayag ni Haring David na, “Napakabuti at napakaligaya kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!” (Awit 133:1 abab).

Upang matupad ang lubos na pagkakaisa, inuutusan ang mga Cristiano na “sumunod kayo at pasakop sa mga namumuno sa inyo” (Heb. 13:17 abab) yayamang “anumang ipagbawal [nila] sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot [nila] sa lupa ay ipahihintulot sa langit” (Mat. 18:18 mb). Sa madaling salita, anumang ipasiya ng Pamamahala ay pinagtitibay ng Diyos.

Ito ang dahilan kaya ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay kumikilos at nag-iisip na parang iisang tao lamang sa kanilang paglahok sa iba’t ibang aktibidad na inilulunsad ng Pamamahala.

Subalit hindi lamang sa panahon ng malalaking aktibidad nahahayag ang kaisahan ng Iglesia. Nakikita rin sa mga kapatid ang gayong nagkakaisang puso at layunin sa pagtupad ng kanilang mga pananagutang espirituwal, na ang pinakatampok ay ang pagsambang kongregasyonal. Sa mga itinakdang araw at oras, nagtutungo ang mga kaanib sa gusaling sambahan upang sumamba sa Diyos anuman ang lagay ng panahon at kapaligiran.

Marahil ay nababalitaan natin kung paanong may mga pagkakataon na lumulusong sa baha ang mga ministro at manggagawa sa pagtungo sa kanilang pangangasiwaang pagsamba, o may mga kapatid na ang mga binti ay nakalubog sa tubig-baha habang sumasamba, o kaya ay kanilang sinasagasa ang malalakas na bagyo o iba pang kalamidad upang makasamba. Sa mga dako kung saan may matinding blizzard—anupa’t napakamapanganib maglakbay kaya may mga pagkakataong nagbibigay ng travel advisory ang gobyerno sa mga mamamayan na manatili na lamang sa kanilang tahanan—magkagayunma’y makikita pa rin ang mga kapatid na nagtutungo sa mga gusaling sambahan. Tunay nga, walang anuman—masungit na panahon, brownout, kaguluhan, at iba pa—ang maaaring humadlang sa mga tapat na kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa kanilang pagdalo sa pagsamba. Saanmang panig ng daigdig sila naroroon, nagkakaisa sila sa pagbibigay ng napakataas na pagpapahalaga sa pagtupad ng tungkuling ito.

“Ako’y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila’y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila’y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo.”

Juan 17:23


Ang gayon ding pagkakaisa ang itinataguyod ng mga Cristiano sa paraan ng kanilang pamumuhay. Anuman ang nakapamamayaning kaugalian at kaasalan sa komunidad na kanilang kinaroroonan—konserbatibo man o liberal, makaluma man o moderno—ang kanilang sinusunod ay ang Cristianong paraan ng pamumuhay o ang pamumuhay na ayon sa “evangelio ni Cristo” (Filip. 1:27). Hindi sila sumasabay sa agos o nakikibagay sa masasamang gawain ng sanlibutan para lamang maging katanggap-tanggap sila sa iba; sa halip ay itinataguyod nila ang mga aral ng Diyos nang walang anumang kompromiso kahit pa sila ay usigin o mahirapan.

Nagagawa nila ito dahil sa tulong at patnubay ng Diyos na nagpahayag na:

“Sila’y magiging Aking bayan, at Ako ay magiging kanilang Diyos. Bibigyan ko sila ng pagkakaisa ng puso at pagkakaisa ng layunin, upang sila ay magkaroon ng takot sa akin magpakailanman―ito ay para sa sarili nilang kabutihan at para sa ikabubuti ng kanilang mga anak pagkatapos nila. Ako ay gagawa sa kanila ng walang hanggang pakikipagtipan na hindi sila tatalikuran, kundi gagawan ng mabuti; ilalagay Ko sa puso nila ay pagkatakot sa Akin, upang hindi nila Ako lisanin. Ako ay magagalak sa kanila, upang gawan sila ng mabuti. Tunay na itatanim Ko sila sa lupaing ito, nang buong puso Ko at pagka Diyos.” (Jer. 32:38–42 Complete Jewish Bible, idinagdag ang pagdiriin) *

Bilang bayan ng Diyos sa mga huling araw, ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa buong mundo—anuman ang kanilang lahi o kulay ng balat, wika, o kalagayan sa lipunan—ay nagsisikap na maitaguyod ang pagkakaisa sapagkat nalalaman nilang ito ay kalooban ng Diyos, na itinuro ng Panginoong Jesucristo. Anuman ang hadlang o puhunanin nila ay itataguyod nila ang kaisahang ito, yayamang napakalaki ng kinalaman nito upang mamalagi ang pakikisama sa kanila ng Diyos, na naranasan ng buong Iglesia sa 110 taong pag-iral nito:

“… Magkaisa kayo ng isipan at mamuhay na mapayapa, at sasainyo ang Dios ng pag-ibig at kapayapaan.” (II Cor. 13:11 New Pilipino Version)


*Isinalin mula sa Ingles

 

Ito ay updated version ng artikulo na unang inilathala sa magasing Pasugo: God’s Message.

For more articles, visit www.pasugo.com.ph