Search
Close this search box.

Pagsamba sa Diyos

Sinasampalatayanan ng Iglesia Ni Cristo na ang buong katungkulan ng tao ay ang sumamba sa Diyos at sumunod sa Kaniyang mga utos. Ang pagsamba sa Diyos ay katutubong pananagutan ng tao, sapagkat Siya ang lumalang sa atin, kaya hindi tayo ang may-ari ng ating sarili kundi ang Diyos (Awit 95:6-7; 100:3).

Ang Diyos ay dapat sambahin sa espiritu at sa katotohanan (Juan 4:23-24). Dapat sambahin ang pangalan ng Diyos—ito ang pagsamba sa espiritu; at dapat gawin ang Kaniyang kalooban o sundin ang Kaniyang mga salita—ito ang pagsamba sa katotohanan (Mat. 6:9-10; Juan 17:17).

Isinasagawa ng Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw na ito (tulad ng Iglesia noong unang siglo) ang pagsambang kinapapalooban ng pag-awit ng mga imno, pananalangin, pag-aaral ng mga salita ng Diyos, at paghahandog (I Cor. 14:26, 15; 16:2).

Si Cristo mismo ay nag-ukol ng mataas na pagpapahalaga sa pagtitipon o pagsamba. Tuwing nagkakatipon ang Kaniyang Iglesia ay naroon Siya sa kanilang kalagitnaan sa pamamagitan ng Kaniyang Espiritu (Mat. 18:20; Gal. 4:6).

Ang pagsambang kongregasyonal sa Iglesia Ni Cristo ay totoong napakahalaga: kaya, mahigpit na ipinagbabawal ang pagliban dito. Ang sadyang pagliban ay napakabigat na kasalanan sa Diyos (Heb. 10:25-27).

Link 1

Link 2

Link 3