Ni SIEGFRED T. GOLLAYAN
SA HARAP ng kasalukuyang sitwasyon ng mundo na matindi ang kahirapan—na pinalulubha pa ng mga labanan ng mga bansa, mga di-pangkaraniwang kalamidad, paglaganap ng malulubhang sakit, paglaganap ng karahasan, at iba pa—marapat pa rin bang itaguyod ng tao ang kaniyang paglilingkod sa Diyos? Hindi kaya dapat na gamitin na lang ang lakas at gugulin ang panahon sa paghahanapbuhay at pag-aasikaso sa mga bagay na kailangan niya para matakasan ang kahirapan o magkaroon ng maginhawa at payapang buhay?
Mahalaga pa rin na itinataguyod ng tao ang pagsamba sa Diyos sa harap ng mga di-pangkaraniwang pangyayari sa kasalukuyan dahil maliwanag sa kaniya kung gaano kahalaga ang pakikiugnay sa Diyos:
“Tutuparin ng Panginoon ang mga bagay na may kinalaman sa akin; Ang iyo pong mapagkandiling pagmamahal, Panginoon, ay nananatili magpakailanman. Huwag mo pong pababayaan ang mga gawa ng iyong sariling mga kamay.” (Awit 138:8 Hebrew Names Version)*
Noon pa man, ito ang matibay na pag-asa ng lingkod ng Diyos—na tutuparin ng Panginoon ang mga bagay na may kinalaman sa kaniya. Ang katumbas ay “gagawin [ng Diyos] para sa [hinirang Niya] ang lahat ng [Kaniyang] ipinangako” (Awit 138:8 Translation for Translators).*
Ganito rin ang pag-asa ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo yayamang sila ang mga lingkod na hinirang ng Diyos ngayon. Lubos silang nananalig na ang mapagkandili at tapat na pagmamahal ng Panginoon ay “nananatili magpakailanman,” anupa’t tutuparin Niya ang mga ipinangako Niya sa kanila.
Ukol sa Iglesia Ni Cristo sa mga wakas ng lupa, ipinangako ng Diyos ang Kaniyang pagpapalakas, pagtulong, at pag-alalay:
“Ikaw na Aking hinawakan [hinawakan ng Panginoon] mula sa mga wakas ng lupa at tinawag mula sa mga sulok nito, at nagsabi sa iyo, Ikaw ay Aking lingkod. Aking hinirang ka at hindi [Kita] itinakwil. Huwag kang matakot [walang dapat katakutan], sapagkat Ako’y sumasa iyo; huwag kang masindak at mabalisa sa iyong paligid, sapagkat Ako ang iyong Diyos. Palalakasin at patatatagin Kita sa harap ng mga kahirapan, oo, tutulungan Kita; oo, aalalayan at itataguyod Kita sa Aking [matagumpay na] kanang kamay ng katuwiran at katarungan. … Ang mga mahihirap at mga nangangailangan ay naghahanap ng tubig gayunma’y wala; ang kanilang mga dila ay tuyo sa pagkauhaw. Ako na Panginoon ay sasagot sa kanila; Ako, ang Diyos ng Israel, ay hindi magpapabaya sa kanila.” (Isa. 41:9–10, 17 Amplified Bible)*
Sinasampalatayan ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na ang kinatuparan ng hula tungkol sa lingkod o sugo ng Diyos na hinawakan at tinawag Niya na binabanggit sa mga talata ay si Kapatid na Felix Manalo. Natitiyak ito sapagkat ang pagtawag sa kaniya ay sa panahong “mga wakas ng lupa” na, ayon sa patunay ng Biblia, ay nagsimula nang sumiklab ang Unang Digmaang Pandaigdig noong 1914 (Mat. 24:3, 33; Mat. 24:6−8, fn. Last Days Bible).
Sa kaugnay ring hula ay tiniyak ang dakong pagmumulan ng sugo: Malayong Silangan (Isa. 43:5 Moffatt Translation). Ang Pilipinas na kung saan pinasimulan ng Kapatid na Felix Manalo ang kaniyang gawain ay “ang nag-iisang bansang Cristiano sa Malayong Silangan” (International Security and the United States: An Encyclopedia, Vol. 2, p. 614).* Bilang katuparan ng mga hulang ito ng Biblia, ang Iglesia Ni Cristo na ipinangaral ng Kapatid na Felix Manalo ay nairehistro sa pamahalaan sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.
Ukol sa Sugo at sa kaniyang gawain, nangako ang Diyos na Siya ang magpapalakas, magpapatatag, tutulong, aalalay, at magkakaloob ng pagtatagumpay. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung kaya lubos na pinahahalagahan ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang tipan sa Diyos na laging pagsamba sa Kaniya. Hindi nila itinuturing na kalugihan ang panahon at tinatangkilik na kanilang ginugugol para matugunan ito sapagkat lubos ang kanilang pananalig na sa pagsamba ay sasagutin sila at ipagkakaloob ng Diyos ang Kaniyang mga ipinangako.
Kung tutuusin, para sa tunay na lingkod ng Diyos, ay “Mas mahalaga ang mga tagubilin mula sa [Kaniyang] bibig kaysa sa libo-libong piraso ng ginto at pilak” (Awit 119:72, 116 Unlocked Literal Bible).* At dahil ang mga tagubilin at kautusan ng Diyos (Awit 119:116 ulb) ay karaniwan nilang tinatanggap sa panahon ng pagsamba, hindi nila ito kailanman pababayaan.
Kaya, kahit ano pang hirap ang pagdaanan ng mga kapatid, itinuturing nilang ikabubuti nila iyon (Awit 119:171 ulb) palibhasa’y may pangakong pagpatnubay ang Panginoon:
“At patuloy kang papatnubayan ng Panginoon at bibigyang-kasiyahan sa tuyong mga dako at palalakasin ang iyong mga buto. At ikaw ay magiging gaya ng nadiligang halamanan at gaya ng bukal ng tubig na ang tubig ay hindi tumitigil.” (Isa. 58:11 amp)*
Dahil dito, kahit na mabigat pa ang pinagdaraanan ng isang Iglesia Ni Cristo ay masaya siya sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos. Hindi kailanman papayagan ng mananampalatayang Iglesia Ni Cristo na mawala ang “mapagtitiwalaang pananalig sa Panginoon, anuman ang mangyari” sapagkat pinatunayan ng mga apostol na matatamo nila ang “dakilang gantimpala na idudulot nito sa [kanila]!” (Heb. 10:32, 35, 37 New Living Translation).*
Dahil sa napakatibay at lubos na mapagtitiwalaan ang mga pangako ng Diyos, hindi nababahala ang sinumang Iglesia Ni Cristo anuman ang kaniyang masagupa sa buhay. Ang totoo, ang mga ito pa nga ang nagtutulak sa kaniya na lalong magtalaga sa pagsamba. Tinitiyak sa Biblia:
“Sambahin ninyo ang Diyos kung nais ninyo ang pinakamabuti; ang pagsamba ay nagbubukas ng mga pintuan ng lahat ng kaniyang kabutihan.” (Awit 34:9 The Message)*
Nanghahawak ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na ang pagsamba ay nagbubukas ng mga pintuan ng lahat ng kabutihan ng Panginoon. Gayundin, sila’y “magkakaroon ng lahat ng bagay na kanilang kailangan [hindi magkukulang ng anumang bagay]” (Awit 34:9 Expanded Bible).* Kaya, hindi nakapagtatakang gayon na lamang ang pagsampalataya, pagtitiwala, at pag-asa sa Diyos ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo, dahil ang Makapangyarihan sa lahat ang Siyang nangako sa kanila. ❑
* Isinalin mula sa Ingles
For more articles, visit www.pasugo.com.ph
News
Directory
Contact Us
Terms and Privacy Policy
© Copyright Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ) 2026. All rights reserved.